Friday, April 11, 2014

Sakit na Dengue, Sama-sama Nating Puksain


Dengue Prevention and Control
Noong nakaraang Lunes, Abril 7, 2014  opisyal na itinalaga ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) ang kampanya  kontra sa sakit na Dengue na may kasama pang sayaw na pinangunahan ni Asec. Tayag sa compound ng DOH.

Wala nang pinipiling panahon kung kalian aatake ang mga lamok na nagdadala ng Dengue virus, kesyo tag-ulan o tag-araw ay patuloy pa din ang pagtaas ng mga kaso partikular sa kalakhang Maynila.


Noong Enero hanggang Marso 22 taong kasalukuyan, mayroong 1, 638 naitalagang kaso ng Dengue ang DOH Regional Epidemiology Surveillance Unit (RESU) sa National Capital Region.  Pinakamataas ang kaso na pinangungunahan ng Maynila (363), pangalawa ang Quezon City (302), pangatlo ang Las Pinas (139),  na sinusundan ng Pasig (133), Caloocan (118), Paranaque (108) at Taguig (103). Mayroong 5 kaso na din nang pagkamatay ang naitala.

Sa Gitnang Luzon naman, mayroong 1, 577 kaso ang naitala sa pagitan ng Enero hanggang Pebrero 15 taong kasalukuyan. Nangunguna ang Nueva Ecija na may 530 kaso, sumunod ang Pampanga (392), Bulacan (204), Tarlac (175), Bataan (163), Zambales (104) at Aurora (9). Karamihan sa mga kasong apektado ay ang mga kabataan na edad 11-20, 54% nito ay mga kalalakihan. Tatlong kaso ng pagkamatay ang naitala sa nasabing ulat.

Noong 2013 nangunguna ang Bulacan na may 403 na kasong naitala na sa ngayong taon ay mayroong 204 na kaso. Bumaba ng 49.4% ang kanilang kaso sa magkatulad na buwan. Ibig sabihin nito ay maganda ang mga kampanyang ginagawa ng mga lokal na pamahalaan at iba pang mga organisasyong tumutulong dito. 

Isang malaking karangalan na maimbitahan ng Center for Asian Mission for the Poor (CAMP Asia) na magsalita at magbigay ng lecture sa mga mag-aaral (Grade 4, 5 & 6) ng Mababang Paaralan ng Marangal sa Barangay Gaya-gaya, Lungsod ng San Jose del Monte, Bulacan. Ibinahagi ko sa kulang isang daang mag-aaral ang mga paraan kung paano maiiwasan ang pagkakasakit ng dengue, mga palatandaan ng pagkakaroon ng dengue.





Marami – rami na din ang mga programa ng kagawaran para sa patuloy na pagpuksa ng sakit na Dnegue, ngunit patuloy pa din ang pagtaas ng mga kaso.

Nariyan ang pinaka bago, tinatawag na “4 o’ clock habit” STOP, LOOK and LISTEN.



Ang Mag 4S Laban sa Dengue

Search and Destroy“Suyurin, puksain ay sirain” ang mga pinamumugaran ng lamok

Self – Protection MeasureSarili’y ingatan sa pamamagitan ng pagsusuot ng mga damit na may mahahabang manggas, paggamit ng kulambo at mga insect repellant.

Seek Early Consultation – Sumangguni sa propesyunal kung may mga naramdamang sintomas ng dengue.

Say No to Indiscriminate Fogging – Sumalungat sa walang habas na pagpapa-usok.  Ginagawa lamang ito sa panahon ng may outbreak.



Ang  “Bottoms –up” noong 2011 para naman sa pagtatapon ng mga hindi na ginagamit na lata, takip ng mga bote at paglalagay ng takip sa mga imbakan ng tubig para hindi pagbahayan ng mga lamok kung hinahayaang nakabukas lang ito.

Sa ngayon, wala pa ding gamot na maaring gamitin laban sa sakit na dengue bagkus ito ay ginagamot depende sa sintomas na nararamdaman ng may sakit na dengue. Huwag basta maniwala sa sabi-sabi nang kung sino-sino. Mayroon na din namang bakuna ang kasalukuyang pinag-aaralan na nasa ikatlong phase na isinagawa sa piling lugar sa bansa. Ang bakunang ito ay naglalayon na maiwasan ang pagkakasakit ng dengue laban sa apat na virus ma mayroon ito.

Sa kabuuan, kailangan natin ang tulong-tulong na paglilinis para sa pagpuksa sa mga lamok na nagdadala ng sakit na dengue. Linisin ang ating kapaligiran.



No comments :

Well-Liked Blog Post