Wednesday, April 24, 2013

CHS: Isang Pagbabalik-tanaw



Cabucbucan High School Logo
Ilang taon na rin ang nakalipas simula ng makatapos kami sa aming mahal na eskwelahan. Ang Cabucbucan High School, isang paaralang sekondarya na nakatayo sa pagitan ng dalawang barangay, sa Barangay Cabucbucan at Brgy. Estrella sa gitna ng malawak na bukirin. 

Pangunahing produkto nang aming mga barangay ay ang palay at sibuyas. Karamihan sa tao dito ay nabubuhay sa mga gawaing pangbukid.

Noong nakaraang ika-labing tatlo ng Abril, nagkaroon ng 3rd Grand Alumni Homecoming simula sa batch ng 1996 hanggang batch 2006 na may Theme: Reuniting, Remembering and Regenerating. Ginanap ito sa gymnasium ng aming paaralan na dinaluhan ng mga graduate ng kadabatch at mga dating naging guro na nagsilbi sa aming paaralan.  Ilan sa mga ito ay sina Ma'am Pacita dela Cruz, Mena Cayaban, May Guillermo, Emelita Agustin at Sir Apolinario Mendez. 


Mahigit sa isang daan ang bilang nang mga nagsidalo, nagkaroon ng ilang patimpalak, kasiyahan at paggawad ng mga katibayan para sa mga nagsidalo. Ang ilan sa kanila ay nagtungo sa ilang mga lugar sa eskwelahan kung saan sinariwa nila ang mga ala-ala ng nakalipas.

Karamihan sa mga nabibilang sa batch ng 1996-2006 ay hindi nakadalo particular na sa aming batch; batch 2005. Sa kadahilanang ang iba ay nasa ibang bansa at nagtatrabaho sa napili nilang larangan, ang iba naman may  trabaho dito sa loob ng ating bansa. Ang iba naman ay walang masyadong budget para sa naturang pagtitipon. At isa na ako duon sa hindi nakadalo.

Batch 2005 Graduates
"Masaya syempre na bumalik sa dating school, dun sa paaralan kung san nabuo yung mga pangarap mo, at kung san mo sinimulang pagplanuhan yung kinabukasan mo. Yung pag nakita mo lang yung isang part nung school, may mga moments/memories ka nang maiisip na ginawa mo sa lugar na yun nung dun ka pa nag aaral.. Pinuntahan namin ang iba't ibang part nung school at talaga namang andaming mga moments na nagflashback samin.", dagdag ni Mary Grace C. Cruz - dela Cruz, graduate ng batch 2005.

Sa mga larawang naibahagi ng aming Batch Valedictorian na si Jose Rennier Tabangay, nakakainggit ang kanilang tuwa at kasiyahan.
 
Nakakahinayang…
Kailan kaya mauulit ang mga iyon?.

Lumang karanasan, Ating Sariwain

Kung ating babalikan ang mga karanasan at mga ala-alang mahirap burahin sa aming mga isipan. Halikayo at ako’y samahan sa pagsariwa ng aking mga ala-ala sa aking mahal na paaralan.

Tatlong kilometro ang layo ng aming paaralan mula sa aming tahanan, kung ito ay iyong lalakadin. Mga 5 minutong byahe kung ikaw ay sasakay nang tricycle.  Pero karaniwan ay naglalakad kami mula pagpasok hanggang pag-uwi. Maglalakad kasama ang mga kaklase mo, tawanan, kwentuhan at iba pa.

Minsan pag-umuulan at wala ng tricycle na masasakyan, lakad pa din.  Mula sa isang maputik, bato-bato, lubak-lubak na daanan. Ngunit ito’y balewala kapag may kasama ka at kahuntahan sa paglalakad mo.

Ang tambayan sa harap nang Room ng IV-Rizal
Kalimitang tambayan ay sa likod ng aming entablado kung saan mayroong canopy o kulandong sa ating wika. Isang lamesa na may bubong. O di kaya ay salikod ng aming silid-aralan kung saan ay mayroong puno ng mga niyog na patuloy pa sa kanyang paglaki.

Sa Values Garden kung saan may malaking puno na nagbibigay silong sa init ni haring araw.  Na madalas ay sa harapan nang aming silid-aralan, kung saan ay mayroong landscape, mga Bermuda grass at mga Neem Tree.

Kung ikaw naman ay gutom o nauuhaw, Tara kila Nanay Carmen at kumain ng monay na may palamang peanut butter o mayonnaise.

O dun kay Ate Rosing na mayroong masarap na goto, sopas at mami na may unlimited sabaw. Nuon pa man uso na ang unlimited. Hindi lang sa panahon ngayon. O san ka pa diba?. Mura na masarap pa!. Nasa limang piso lang ata ang halaga nung Mami na yun noon.

Kung ikaw naman ay bibili ng soft drinks, tiyak ko nakalagay yan sa isang plastic at kapag kumonti na ang laman ibubuhol at itatali ang straw sa pagitan para maging hour glass, yan ang laruan nuon.

Biyernes, oras na para sa CAT. Sa ilalim ng tirik na araw, training dito, training duon. 

Neem Tree sa likod ng third year building
Para sa mga IV-Rizal, sino nga bang hindi makakalimot sa ating guro na si Gng. Pascual. Ito ang isang ala-ala ko nung nasa sekondarya ako nang magalit si Ma’am.  

Dumating siya para sa aming asignaturang Physics ngunit maingay ang aming section at nakarinig kami ng sermon. Habang si mam ay nagsesermon, ang iba sa amin ay  hindi mapigilang makipagdaldalan. Kaya naman mas lalo atang tumaas ang prseyon ng aming guro.

Sa pagkakatanda ko, may ilang mga notebook na naibato sa bintana at ang iba naman ay pinalabas ng aming silid.

Mas lalo siyang nagalit sa mga maliliit na ingay at sinabing “Sige mag-ingay pa kayo.”. Lahat kami ay biglang natahimik. Ngunit iba ang nangyari, nang tumahimik kami, mas lalo siyang nagalit. Wala kaming choice ng mga oras nay un, kaya ang ginawa naming ay mas lalo kaming nag-ingay. Ito ang hinding-hindi ko makakalimutan.

CHS sa Kasalukuyan

Sa ngayon, ang laki na nang ipinagbago ng aming paaralan.
Ang daang dating lubak-lubak, mabato at maputik ngayon ay sementado na. Buong-buo na din ang gymnasium na dating sinisimulan pa lamang noong malapit na kaming gumradweyt. Ang dating mga murang puno ng niyog at neem tree, ngayon ay nagtatayugan at napapakinabangan na.
Dating bukirin ngayon ay isa nang Fish Pond

Napakalaking ginhawa para sa mga mag-aaral ngayon.

Ang sarap magbalik-tanaw sa nakaraan.
Nakakamiss talaga.. 
 Iba ang buhay nuong high school.
Tama nga ang kantang “High School Life”.

Isang taos pusong pasasalamat sa lahat ng aming guro na sa CHS na silang humubog at kumilala sa aming kakayanan. Kung hindi po sa inyo Mesdames/Sirs, wala po kami ngayon kung anu man po ang aming kinatatayuan sa ngayon.
 
Batch Picture: 1996-2006
Photo Credits: Jose Rennier Tabangay and Mary Grace Cruz-dela Cruz.


Well-Liked Blog Post